nitong nakaraang Nobyembre isang sabado ng gabi mga pasado alas-8 pauwi na ang aking ama galing sa bahay ng kanyang amo ng minamaneho nyang jeep, sakay po siya ng isang motorsiklo. isang kilometro mula sa aming bahay ay naaksidente po siya: sumabit po siya sa isang motor at makaraan ay naipit ng isang van. isang nagmalasakit na driver ng pickup vehicle ang nagbalita sa amin tungkol sa nangyari at kami po ay agad-agad na sumugod upang tingnan ang nangyari. ang pinangyarihan po ay mga 100 metro lang mula sa bahay ng kapitan.
dinatnan po namin ng aking ina ang tatay ko na nakahandusay pa sa kalsada at duguan, naliligo na sa sarili nyang dugo. ang motor ho ng aking ama ay nakaparada na sa tabihan ng kalsada, habang ang isang motorsiklong involved ay hindi ko nakita, pero ang may-ari po noon ay taga-dun din mismo sa may pinangyarihan ng aksidente. ang van naman po ay nakaparada na din sa tabihan at naghihintay sa mga mangyayari. napansin ko po ang mga nagkalat na piraso ng flarings sa kalsada na iba sa kulay ng flarings ng motor ng aking ama. kami pa po ang nag-flag down ng jeep upang isugod sa ospital ang aking ama na nuon ay humahagok na. sinubukan hong i-revive ng doktor ang ama ko pero nirekomenda po nyang ilipat ng ospital dahil 50/50 na po ang lagay nya, dahil hindi daw po maampat ang pagdurugo sa ulo.
dinala po namin ang aking ama sa ibang ospital gaya ng payo ng doktor at ako naman po ay tinawagan ng pulis upang makipag-usap sa driver ng van na di naman nag-attempt tumakas, pero nakiusap po sa kapitan namin na maiuwi muna ang mga sakay bago bumalik sa police station. mga isang oras pa ay nalaman kong patay na daw ang tatay namin.
sa istasyon, lumalabas na nanakbo daw po sa kalsada ang isang motor na dinadala ng isang 21 anyos na binatang Student Permit lang ang hawak at sinabitan ng motor ng aking ama, sumadsad. mga ilang sandali lang ay sinubukan siyang hatakin ng mga miron palayo sa kalsada subalit may isang paparating na van na hindi na nagawa pang mag-preno dahilan upang magluksuhan ang mga sumasaklolo at maiwan sa gitna ang aking ama na siya namang naipit pa ng van.
base sa "imbestigasyon" ng mga pulis, lumalabas na ang aking ama ang may sala sa pagkakasabit sa motor, at ang van naman ang liable sa pagkakaipit sa aking ama, kung kaya inilagay nila sa blotter na hindi na maghahabol ang may-ari ng nasabitang motor, at ang van naman ang may pananagutan sa amin. nagkasundo kaming magusap makaraan ang dalawang araw upang pag-usapan ang settlement ng aksidente. "maayos" naman pong kausap ang driver ng van na may kasama pang kapitan din ng barangay nila na tumutulong magmediate sa usapan. hindi ko na ho ipina-impound ang sasakyan nila dahil nangako po naman silang makikipagtulungan, na later on ay na-realize kong isang malaking pagkakamali.
makaraan ang dalawang araw, nagkita po kami pero ang tiyahin po ng aking ama ay nakiusap na ipagpaliban muna ang anumang pag-uusap bilang respeto sa bangkay ng aming ama, at mag-usap na lang pagkalibing.
nang muli kaming magharap, nagkasundo na magbabayad ang driver ng van ng halagang P165K sa petsang dec. 15, pero humingi ng ilang papeles mula sa amin upang makalikom daw kaagad sila ng pondo mula naman sa sarili nilang insurance. pumirma ho kami ng kasunduan bilang patunay sa napag-usapan.
dec. 15 nang muli kaming magharap pagkatapos maghintay nang 2 oras sa istasyon ng pulis, ngunit hindi po nila na-produce ang halagang napag-usapan. ibang pulis po ang nag-facilitate ng meeting dahil ipinatawag ng solicitor general ang imbestigador na may hawak ng kaso, pero iginiit nya na dapat tumupad ang driver ng van sa Kasunduan. nakiusap hong muli ang driver na kung pwedeng hati-hatiin (staggered) yung pagbabayad. pumayag naman ho kami, pero hiniling namin na ang paunang bayad na P50K ay sa dec. 30, P50K ulit sa Feb. 15, at P65K sa March 30.
Hindi po sumipot ang driver ng van nuong dec. 30, at nakiusap na sa kinabukasan na lang ulit ituloy ang usapan dahil nahihiya daw po sila dahil kakalahati lang daw po ng napag-usapang P50K ang dala nila. dumating ang DEc. 31 pero wala po silang dalang salapi gaya ng napagkasunduan, at mukhang nagmamatigas pa at iginigiit na wala silang kasalanan. umalis po ang kampo namin na nagpupuyos dahil sa pagbabalewala ng nakasagasa na i-honor ang napagkasunduan.
sa ngayon po, binabali-balikan namin ang mga pangyayari upang ma-determine kung ano ang mga "nangyari", at nakukumbinsi po kaming may mga lapses at inadequacies sa imbestigasyon at handling ng kaso: 1) ang motorsiklong sinabitan daw ng aking ama ay hindi dinala ng mga pulis sa istasyon, bagkus ang aming motor ang nanduon nuong gabi ng aksidente; 2) parang moro-moro lang ang imbestigasyon dahil ang statement lang po ng aming kapitan ang kanilang kinuha na apparently ay naga-abswelto sa Student driver sa anumang liability, na pinangangambnahan naming may cover-up ; at 3) ang kakulangan ng mga pulis sa isang masusing imbestigasyon; 4) ang kawalang-lakas ng mga pulis na ipa-honor sa mga nakasagasa ang kasunduan.
ayon sa imbestigador na humawak ng kaso, kami daw po ang magdedesisyon kung anumang hakbang ang gusto naming gawin. bilang mga taong hindi sanay sa mga ganitong pangyayari, aminado po akong mababaw ang aking kaalaman sa kung ano ang DAPAT na gawin, kaya nga po nagtitiwala ako sa ating kapulisan na i-guide kami sa kung ano ang NARARAPAT ngang gawin.
ano nga po ba ang DAPAT na gawin ng kapulisan natin upang hindi naman po kami agrabyado?
naniniwala po ako na bagamat aksidente nga ang nangyari, may dapat managot sa nangyari; ang aking ama mahigit 20 taon nang nagmamaneho, at lumaki po siyang nakaunan sa manibela. ang sabi po, naka-park daw ang motor ng binata nang masabitan naman ng aking ama. liable po ba siya kung Student Permit lang ang meron sya at nakaparada SA KALSADA mismo, lampas sa puting guhit? imposible po kasi na sa gutter sya paparada dahil may kalaliman po iyon, at kung ganon nga hindi sa kalsada pupulutin ang aking ama kundi sa taniman base sa direksyon ng takbo ng motor ng aking ama.
sa kabilang banda, ano po ba ang liability ng van sa nangyari?
maraming salamat po sa kung anumang opinyon na inyong maibabahagi sa aking isinangguni.