Ang tatay ko po ay may nakatatandang kapatid. Maganda po ang kanilang samahan bilang magkapatid. Mabait po ang tiyuhin ko at mahal nya po ang tatay ko, ganun din po naman ang tatay ko sa kanya. Bilang magkapatid, nagtutulungan po sila at isa po sa naging tulong ng tiyuhin ko sa tatay ko ay naipasok sya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ng tiyuhin ko.
Sinuwerte po naman na napagkalooban ng lupa sa maynila ang tatay ko ng kumpanyang kanyang pinagtatrabahuhan mula sa isang pa-raffle. Ngunit dahil sa hindi naman sapat ang pera namin para makapag-pasimula ng bahay, pinahiram po sya ng tiyuhin ko ng pera. At dahil na rin po sa maganda ang samahan nila, at bilang pagtanaw din naman ng utang na loonb ng tatay ko sa tiyuhin ko, pumayag po ang tatay ko na magtayo ng bahay ang tiyuhin ko sa kalahati ng lupang napanalunan nya ng walang anumang kabayaran o renta sa lupa, maliban dun sa perang pinagpasimula namin ng pagpapatayo ng bahay.
Makalipas po ang mahigit sampung taon, nagkaroon po ng malubhang karamdaman ang tatay ko. Isang araw, lumapit po ang tiyuhin at tiyahin ko sa nanay ko at hinihingi yung titulo ng lupa na nakapangalan sa tatay ko, at sinabing ipapahati na daw po nila. Nagulat na lang po ang nanay ko at itinanong agad sa tatay ko kung ibinenta nya nga yung kalahati ng lupa sa tiyuhin ko, pero wala naman po daw na nangyaring bentahan ng lupa.
Mayroon lang po pala silang parang naging kasunduan noon sa pagitan ng tatay ko at tiyuhin ko na ibibigay nya po sa tiyuhin ko yung kalahati ng lupa namin sa maynila sa kundisyon na hahatian din kami dun sa lupa ng tiyuhin ko sa baguio. Dahil sa gusto na pong ipahati ng tiyuhin ko yung lupa sa maynila, tinanong naman po namin sa kanya yung hatian tungkol naman sa lupa sa Baguio. Subalit itinanggi po niya na may napagkasunduang hatian sa lupain nila sa Baguio.
Ang sabi po nila ay binayaran po niya ang tatay ko ng pera na ginamit para makapagpasimula nung bahay namin. Ang halaga pong tinutukoy ng tiyuhin ko kung susundin ang halaga ng bentahan ng lupa sa maynila, sa loob ng subdivision, ay napakaliit po… sa halagang 35T para sa 100sqm. noong taong 1989, at hindi naman po masasabing sapat na kabayaran sa lupang inaangkin nila.
Ang isa pa pong isinusumbat nila ay kung hindi raw po sa tulong ng tiyuhin ko ay hindi makakapasok ang tatay ko sa kumpanyang nagbigay sa kanya ng napanalunang lupa. At kung hindi rin dahil dun sa trabahong naibigay ng tiyuhin ko sa tatay ko ay hindi rin po daw mapapagtapos ng kolehiyo kaming apat na magkakapatid.
Sa ngayon po, hindi po kami pumapayag na ipahati yung lupa sa maynila dahil po sa binalewala nila yung naging kasunduan noon ng magkapatid. Ang totoo po nyan, ang mapilit pong ipahati yung lupa namin ay yung tiyahin ko. Dahil sa mabait po ang tiyuhin ko, sunud-sunuran lang po sya sa gusto ng kanyang asawa. At ang suspetsa po namin ay lahat ng naging desisyon at sinasabi ng tiyuhin ko ay kagustuhan ng tiyahin ko.
Nagkaroon po ng maraming usapan sa pagitan ng pamilya namin at pamilya ng tiyuhin ko tungkol sa gusto nilang hatian ng lupa. Nauna na po sa pagitan ng mga magulang namin at ng tiyuhin ko kasama ang kanyang asawa, ngunit talagang hindi po pumayag ang mga magulang namin sa kagustuhan nila. Hanggang sa sumakabilang buhay po ang tatay ko, pilit pa rin pong ipinag-gigiitan ng tiyuhin at tiyahin ko na sa kanila po ang kalahati ng lupa namin.
Marami pa pong beses na tinangka nilang kausapin ang nanay ko, mga kapatid ko at ako po mismo, ngunit pinanindigan po namin ang desisyon ng tatay ko noong nabubuhay pa sya na huwag ibigay sa kanila yung kalahati ng lupa. Dahil po dito ay naging masalimuot ang relasyon ng pamilya namin at pamilya nila. Sinasabihan pa po kaming mga sinungaling at manloloko at pinagtataasan pa ng boses sa tuwing mapag-uusapan ang tungkol sa hatian ng lupa.
Madalas din po kaming pinag-iinitan at halos nagmumukha kaming kawawa, mismo sa sarili naming bahay at lupain, dahil na rin po sa may kaya sa buhay ang pamilya ng tiyuhin ko, parang lumalabas po na sila ang nagmamayari ng lugar namin at kami po ang dapat na makisama sa kanila. Gusto po sana namin silang paalisin para matigil na yung pangugulo nila sa amin.
Hanggat nasa lupain namin ang pamilya ng tiyuhin ko, hindi po matatahimik ang aming pamilya, at natatakot po kami na lumala pang lalo ang problema dahil sa hindi nila makuha ang titulo ng lupa sa amin para mapahati nila.
Nais ko po sanang humingi ng payo kung ano po ang dapat naming gawin. Gusto po namin na ayusin sa legal na paraan para po matapos na po ang aming problema sa pamilya ng tiyuhin namin.
Sana po ay matulungan nyo po kami, maraming maraming salamat po.