Nais ko pong humingi ng payo tungkol sa aking sitwasyon. Ako po ay isang dalagang ina, nagkaanak po ako noong ako ay nag-aaral pa sa kolehiyo. At yung tatay po ng anak ko ay hindi nagparamdam o nagkaroon ng kusa na suportahan ang aming anak at habang buntis pa po ako ay meron na syang ibang kasintahan.
Sa kagustuhan po ng tatay ko na mailigtas ako sa kahihiyan noon, ipinapeke po nya yung marriage license namin ng tatay ng anak ko. Ang nangyari po ay nagfile sila ng pekeng marriage license para po mapalabas na may asawa ako. Pero ang totoo po ay walang namagitang kasalan sa amin ng tatay ng anak ko. At hindi na rin po kami nagkita simula noong nanganak ako hanggang ngayon. Nung panahon ding pong yun ay nasa 17 year old pa lang po yung lalaki.
Sa madaling salita po ay naifile yung marriage license at nagkaroon po ng record sa NSO at huli na ng malaman ko. Noong mga panahon ding pong iyon ay very helpless ako at wala ring pong perang panggastos sa pagpapawalang bisa ng marriage license dahil na rin po sa kahirapan kaya hinayaan ko na lang po. Nagfocus na lang po ako sa pag-aalaga at pagpapalaki ng aking anak at hindi ko na po inisip noon na mag-aasawa pa ako dahil na rin sa takot na wala ng seseryosong lalaki sa akin.
After more than 10 years, may nakilala po akong lalaki na nagmamahal sa akin ng totoo at tanggap ang aking nakaraan kasama na ang aking anak at plano na rin po naming magpakasal. Doon na po pumapasok yung problema sa Marriage License. Ano po ang pwede kong gawin para mapawalang bisa yung Marriage License? i.e. requirements sa pagpapawalang bisa at kung kailangan pa po ba yung affidavit ng lalaki at nung ibang taong involve. At kung makuha na po yung mga requirement, pwede po bang iba o representative lang ang magfile ng nullification petition?
Maraming salamat po sa inyo. Anumang payo po ninyo ay malugod kong ipinagpapasalamat. God bless po sa inyong lahat.