I was 18 when got pregnant and gave birth to my daughter who is now 7 years old. Yung tatay ng anak ko is only 16 that time so yes I am 2 years older than him. Bawal sa kanyang relihiyon ang magsama ng hindi kasal.
Hindi naging maganda ang simula ng pagsasama namin dahil sa madalas ay umaalis siya at kasama lang ang kanyang mga barkada na dumarating sa puntong madalas na naming pinag-aawayan iyon at nauuwi sa pananakit niya sa akin physically. Pero tiniis ko yun dahil mahal ko na siya that time at iniisip ko ang anak namin. Lumipas ang 2 taon, siya ay 18 years old na kaya pilit na kaming ipinakasal dahil tulad nga ng aking nasabi mahigpit na ipinagbabawal sa kanyang relihiyon ang magsama ng hindi pa nakakasal. May pagtutol man sa aking sarili ay napilitan na rin akong magpakasal para sa kapakanan ng aking anak at naisip ko din na baka sakaling magbago siya at maging priority na niya kami ng anak namin. Ngunit nagkamali ako. Matapos kaming ikasal, mas lalo siyang naging malala. Walang araw na dumaan na hindi kami nag-aaway at madalas na niya akong napagbubuhatan ng kamay. Minumura at sinasabihan ng kung anong salita na hindi maganda. At ang pinakamasakit sa akin ay nakikita iyon ng anak ko. Wala siyang trabaho simula ng kami ay magsama. At ako ang nagtatrabaho para sa pangangailangan ng pamilya namin lalo na ng anak ko. Ngunit sa kabila ng iyon ay madalas niya pa rin akong inaaway at mas madalas na pinapahiya sa trabaho o sa kahit pa saang lugar. Wala siyang pinipili.
Isang araw, nadiskubre ko na matagal na pala siyang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. At nahuli ko pa siya mismo na magsisimula na sa pag-gamit kasama ang kaiibigan niya. Nagalit ako ng sobra hanggang sa nagkasakitan na naman kami. At nung panahon na yun hindi ko na kinaya, umalis ako kasama ang anak ko. Lumipas ang isa o dalawang buwan na hindi siya nagparamdam kaya naman naging komportable na ako dahil naging sobrang tahimik na ng buhay namin ng anak ko. Ngunit isang araw inabangan niya ako sa lugar na pinagtatrabahuan ko at doon ginulo niya ako at ipinahiya kaya naman agad akong lumapit sa barangay at inireklamo ko siya. Bago pa yun naireklamo ko na rin siya dahil nga sa kanyang pananakit sa akin. Dahilan ng pagkakaroon ko ng marami at malalaking pasa sa katawan.
Ngayon ilang taon na ang lumipas, may mga pagkakataon pa rin na bigla na lang siyang susulpot at mang-gugulo kaya natatakot na ako sa kaligtasan namin ng anak ko dahil hindi mo masabi kung anong pwede niyang gawin dahil nga gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot at madalas na sinasabi niyang kahit saan kami magpunta ng anak ko ay kasunod namin siya dahil kahit anong gawin ko ay mag-asawa pa rin kami. Sobra akong natatakot. Gusto ko ng magkaroon kami ng tahimik na buhay ng anak ko. Gusto ko ng mawalan siya ng karapatan sa akin bilang asawa. Kaya naman gusto ko ng mapawalang bisa ang kasal ko sa kanya. Ngunit wala akong kakayahang magbayad ng abogado at sa ibang gagastusin para sa pag-file ng annulment.
Sumulat ako dito upang humingi ng any legal advice sa sitwasyon ko. At sana matulungan ninyo ako.
Maraming Salamat at God Bless po sa lahat.