Dahilan sa pinapasagot sa iyo ang kabuuang halaga ng nawalang merchandise at ito ay may kalakihan, hindi ako pabor na ikaw ang magdusa sa pagkawala ng merchandise. Unang-una, kung mapapatunayan mo na hindi ka naman nagkulang o walang kang “negligence” sa pangyayari na nagbigay ng daan upang manakaw ang merchandise, hindi ka maaaring habulin sa nasabing halaga kahit pa nawala ang merchandise habang ikaw ang nagbabantay. Gaya ng sabi mo, ikaw lang ang nagbabantay nang nangyari ito dahil nag-cr ang kasamahan mo at ang isa mo pang kasamahan ay hindi pumasok. Ang pag-cr ng kasamahan mo at ang pagliban ng isa mo pang kasamahan ang maaaring nagbigay daan upang manakawan ang tindahan at ang mga ito ay hindi mo kasalanan. Kung tutuusin, ang may-ari ng tindahan ang siyang may kapabayaan dahil: (1) Hindi siya nagtalaga ng isa pang tindera na rerelyebo sa empleyadong lumiban; at (2) Wala man lang security camera ang tindahan (wala kang nabanggit) na maaari sanang makatulong upang maiwasan ang ganitong mga insidente.
Huwag kang pipirma ng anumang kasunduan na pumapayag kang kaltasan ang iyong suweldo. Kung kakaltasan ang iyong suweldo ay maaari kang magsampa ng reklamo sa NLRC (National Labor Relations Commission). Kung kakaltasan ang iyong suweldo ng wala kang pahintulot ay maaari ka ding magsampa ng kasong kriminal laban sa iyong employer (paglabag sa Art. 116/Art. 117 in relation to Art. 288 of the Labor Code) lalo na at nasabi mo na tinatakot kang sasampahan ng kasong kriminal kung hindi ka papayag.
Huwag kang masyadong mabahala sa mga pananakot sa iyo na sasampahan ka ng kaso dahil sa pagkawala. Wala man lang ginawa ang employer mo na anumang aksyon laban sa iyo na magsasabi na itinuturing kang suspect o kasabwat ng mga magnanakaw. Kung sampahan ka man ng kaso, naniniwala ako na maidedepensa mo naman ang iyong sarili.