first,.. im not a lawyer.. pero eto ang reference teh at pag aralan
Ano ba ang Annulment?
Ang annulment ay nangangahulugan ng petisyon tungkol sa pagpapawalang bisa ng kasal. Subalit sa katotohanan, hindi lamang iisa ang petisyon para sa pagpapawalang bisa ng kasal kung hindi dalawa. Ito ay ang mga sumusunod:
1. Annulment of Voidable Marriages
2. Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages
Tingnan natin ang kaibahan ng dalawang klase ng petisyon na ito.
1 Annulment of Voidable Marriages
Ang "Annulment of Voidable Marriages" ay isang proseso sa korte na kung saan ay pinapawalang bisa ang kasal na namagitan sa dalawang tao. Ang kasal nila ay may bisa hanggat hindi nagbibigay ng hurisdiksyon ang korte na mapawalang bisa ang kanilang kasal.
Grounds o Mga Dahilan Para sa Annulment of Voidable Marriages
Ang Pilipinas ay isang bansang katoliko at pinapahalagan nating mga Pilipino ang banal na matrimonya ng kasal. Hanggat maari ay pinipilit nating pag-usapan at lutasin ang mga problema upang maiwasan ang paghihiwalay. Subalit hindi lahat ng problema ay may kalutasan. Ang annulment ay isang pagbibigay daan upang mabigyan ng pagkakataon ang dating mag-asawa na magkaroon ng baong buhay.
Subalit hindi ganon kadali ang annulment. Katulad ng nabanggit sa itaas, mahalaga para sa ating mga Pilipino ang matrimonya ng kasal kung kayat hindi ito maaring i-file kung hindi rin laang mahigpit ang dahilan. Ang mga dahilan na maaring gamitin para mag-file ng annulment ay itinakda saArticle 45 ng Family Code. Ayon dito, ang kasal ay maaring mapawalang bisa ayon sa mga sumusunod na dahilan:
(1) Ang isa sa ikinasal ay mula 18 hanggang 21 taong gulang at ikinasal ng walang pahintulot ng magulang at tagapag-alaga, maliban na lamang kung ang taong ito ay nakisama bilang mag-asawa pagsapit niya sa 21 taong gulang.
(2) Ang isa sa ikinasal ay wala sa sariling pag-iisip, maliban na lamang kung nakisama siya bilang mag-asawa pagkatapos niyang bumalik sa kanyang sariling pag-iisip.
(3) Panloloko para mapasang-ayon ang isa para magpakasal, maliban na lamang kung ang taong ito kusang nakisama sa kabilang panig pagkatapos na mabatid ang buong katotohanan.
(4) Sapilitang pagpapakasal, maliban na lamang kung ang taong ito ay kusang loob na nakisama sa kabilang panig pagkatapos na mawala ang dahilan na pumilit sa tong ito na magpakasal.
(5) Hindi sapat ang kakayahan ng isang panig na gampanan ang tungkulin bilang isang asawa at kung ang kapansanang ito ay patuloy at walang paggaling.
(6) Kung ang isa sa mag-asawa ay may nakakahawang sakit o sexually-transmissible disease at ang sakit na ito ay malubha at walang lunas.
Sa petisyong ito, bagamat mapapawalang bisa ang kasal, hindi mabubura ang katotohanan na naging mag-asawa ang dalawang taong iyon. Ito ay nangangahulugan na mag-asawa sila hanggang hindi lumalabas ang desisyon ng korte at lahat ng legal na implikasyon sa loob ng panahon na naging mag-asawa sila ay mananatili at hindi mawawalan ng bisa lumabas man ang desisyon na magpapawalangbisa sa kanilang kasal.
2 Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages
Meron ding petisyon na tinatawawag na "Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages". Ito ay isang petisyon upang maglabas ng deklarasyon ang korte na ang naganap na kasal ay walang bisa mula sa araw na naganap ang kasalan. Sa pamamagitan ng deklarasyon na ito, hindi lamang mapapawalang bisa ang naganap na kasalan kundi mabubura mismo ang katotohanan na sila ay naging mag-asawa at animo'y hindi naganap ang nasabing kasalan. Pagkatapos ng deklarasyon na ito, mawawalan ng bisa ang lahat ng legal na implikasyon na naganap sa loob ng panahon na sila ay naging mag-asawa.
Grounds o Mga Dahilan para sa Declaration of Absolute Nullity of Void Marriages
Ang mga dahilan na maaring gamitin para sa petisyon na ito ay ang Article 35 (Absence of Formal and Essential Requisites of Marriage, Article 36 (Psychological Incapacity), Article 37 (Incestuous Marriage) and Article 38 (Void by Reason of Public Policy) na nakatakda sa Family Code.
Ang mga ito ay ang sumusunod:
(1) Ang mga nagpakasal na wala pa sa edad na 18 kahit pa may pag-sang-ayon ng mga magulang.
(2) Kasal na isinagawa ng taong walang legal na kapangyarihan na magpakasal maliban na lamang kung hindi ito alam ng nagpakasal at naniwala sila na ang taong ito ay may legal na kakayahan na magkasal.
(3) Ikinasal ng walang lisensya.
(4) Kapag ang isa sa ikinasal ay ikinasal na sa ibang tao.
(5) Nagkaroon ng pagkakamali ang isa sa ikinasal tungkol sa katauhan ng kabilang party.
(6) Kasal na ginanap bago pa ang paglabas ng Final Decree of Annulment ng nagkaraang kasal.
(7) Kakulangan sa psychological na kakayahang isaganap ang responsibilidad bilang asawa.
(
Kasal sa pagitan ng magkamag-anak.
(a) Sa pagitan ng ascendants at descendants
(b) Sa pagitan ng magkapatid
(9) Kasal na hindi akma sa kaisipang pampubliko.
(a) Pagitan ng magkamag-anak hanggang sa fourth civil degree
(b) Pagitan ng step-parents at step-children
(c) Pagitan ng parents-in-law at children-in-law
(d) Pagitan ng nag-ampon at inampon.
(e) Pagitan ng asawa ng nag-ampon at inampon.
(f) Pagitan ng asawa ng inampon at nag-ampon.
(g) Pagitan ng inampon at anak ng nag-ampon
(h) Pagitan ng mga inampon ng iisang tao.
(i) Pagitan ng mga tao na kung saan ay pinatay ng isa ang asawa ng kanyang mapapangasawa para mapakasalan ito.