Pasensya na po kung may kahabaan ang salaysay kong ito. Sana po'y mabigyan pansin.
Taong 1996 naisangla ng mga magulang ko ang titulong minana pa namin sa mga ninuno sa halagang 170K sa isang Lending sa Sta Rosa Laguna. Taong 1998 ay pilit po binabawi ng mga magulang ko ang titulo sa halagang 200K pero hindi po pumayag ang manager ng lending, gusto nila ay 250K dahil nagkapatong-patong na daw ang interes. Ilang beses po nagpumilit at nagmakaawa ang mga magulang ko na hulugan ang pagkaka-utang para makuha ang titulo, pero ayaw pa rin pumayag ang manager ng lending, naghanap na lang po ang magulang ko ng bridge finance para lang makuha ang titulo. Sa tuwing makakakuha ang magulang ko ng bridge financer, ang lending ang umaayaw. Playing safe daw sila at maghanap daw ng mas maayos na financer kasi wala daw sila tiwala.
Taong 1999 ng malaman namin na naisalin na pala sa pangalan ng lending ang titulo na pilit binabawi ng mga magulang ko at wala man lang sila abiso na nagawa na pala nila ito.
Hindi na po nasampahan ng kaso ng mga magulang ko ang lending sa dahilan na wala na po sila pambayad sa abugado at bagsak na ang negosyo nila. Naghintay na lang po kami na mapalayas sa bahay simula noong 2000. Inilapit na ng magulang ko sa kaibigan nilang abugado. Ang tulong na nagawa ng abugado na ito ay pinahold lang daw nya ang ejection namin sa bahay. Ang payo na lang sa amin ng abugado wag na lang daw kami umalis sa bahay at naisampa na raw niya ang kaso. Ang nakakapag-taka lang po, sa tuwing kinakamusta namin ang kaso ang palagi lang sinasabi ng abugado, wag kayo aalis ng bahay at ako ang bahala. At ganoon na nga po ang nangyari, hindi kami umalis sa property simula noong 2000.
Hanggang dumating ang 2010. Sinabihan kami ng tauhan ng lending na papalayasin na daw kami sa property or magbayad na lang daw kami ng renta. Nagulat kami dahil ang pagkakaalam namin, may kaso pa ito. Tinanong namin ang abugado na pinagkakatiwalaan namin, ang sabi lang nya, wala na tayo magagawa, maki-usap na lang uli kayo sa lending. Nalaman namin na wala na pala ang manager at itinago pala niya problema na ito at nag-abroad na daw ayon sa mga tauhan ng lending. Ang presidente na po mismo ng lending ang nagpa-audit kaya nalaman na meron palang ganito problema.
Dahil sa ako po ay may trabaho na. Nagpumilit po ako na bawiin ang property ng magulang ko sa pamamagitan ng housing loan sa PAG-IBIG. Pumayag naman daw po ang presidente ng lending at kami ay binigyan ng kundisyon. Ayon sa pinagkakatiwalaan niyang book-keeper.
1. Sa halagang 450K namin makukuha ang property. Pwede pa raw namin tawaran kung Cash ang terms.
2. Kami ang sasagot sa lahat ng gastusin sa pag-transfer ng titulo, BIR, Doc Stamp, etc.
3. Magdo-down kami ng 100K at non-refundable pag-lumampas ng 2 months processing
4. Palalayasin kami sa property pag hindi natapos sa loob ng 2 months processing sa PAG-IBIG.
Sa una ay hindi po ako pumayag dahil hindi po matatapos ang PAG-IBIG sa gusto nila mangyari. Ang sabi ng book-keeper ng lending, for formality lang daw ito. Para katunayan na nilalakad namin ang mga papel sa PAG-IBIG. Ginagarantya na hindi daw kami ma-agrabyado. Para naman po kami makasiguro na tatama ang amount sa PAG-IBIG pina-declare po sa akin ng lending na lakihan ko ang loan amount. 700K po ang request ko sa PAG-IBIG para lamang makasiguro.
Humingi rin naman ako ng assurance na ibabalik nila ang 100K ko oras na makuha ang pera sa PAG-IBIG at kung maari bawasan pa nila ang 450K dahil good as cash naman ang pagbabayad ng PAG-IBIG sa kanila. Humingi ako ng kasulatan pero ang sabi, once na naririyan na ang pera saka na lang daw kami bibigyan ng kasulatan at pag-uusapan ang tawaran sa 450K, kung ayaw ko naman daw, pwedeng sa iba na lang nila ibigay dahil may mga prospect buyer na daw ang property.
Mabigat man po sa loob ko, pumayag na rin ako dahil gusto ko rin po mabawi ang property. Na-reject sa PAG-IBIG ang papel ng lending at nalaman ko ang problema.
Inheritance article ay hindi natanggal simula noong masalin sa kanila ang titulo.
Sa ganitong sitwasyon nagtagal kami ng 2 buwan para lang ipatanggal ang article na ito. Naisip ko na po na kasuhan sila noong una dahil sa nangyari, pero sinabi ng book-keeper na hindi naman daw nila ifo-forfiet ang 100K ko at sa kagustuhan ko na rin na tapusin ng maayos, tinuloy pa rin namin ang pag-process sa PAG-IBIG.
Dumating ang letter of Guarantee galing sa PAG-IBIG at nalaman namin na 550K lang po ang approved loan ko. Humingi na po ako ng letter of guarantee sa kanila na ibabalik ang nai-down kong 100K. Gaya ng nauna, pag nariyan na ang pera, saka tayo mag-usap. Naki-usap na po ako sa book-keeper na ito kung maari namin kausapin ang presidente nila. Ang sabi niya, pag nariyan na ang pera, saka pa lang daw haharap ang tao.
Nag-dalawang isip na ako na hindi ituloy ang paglo-loan sa PAG-IBIG. Wala kami garantya na magsu-sukli nga sila dahil puro verbal lang ang pangako nila. Tinuloy ko pa rin ang pag-process ng mga papel at nagtiwala pa rin. Dahil ang sabi sa PAG-IBIG, magkaharap naman daw ang buyer at seller sa pagbibigay ng cheke.
Dumating kami sa BIR at naibigay sa amin ang DOAS (Deed of Absolute Sale) na pirmado ng presidente ng lending. Matapos namin maiprocess and DOAS sa BIR, nagmadaling bawiin ng book-keeper ang mga papel at hindi daw namin pwede pang-hawakan ang mga ito. Nakuha nila ang DOAS sa pamamagitan ng pangloloko sa nanay ko (Kunwaring may naiwang papel pero DOAS na pala ang kinuha). Hinayaan ko na lang po ang pang-gugulang na ginawa nilang ito, dahil sa huli, sa pangalan ko pa rin naman isasalin ang titulo.
Ngayon, nasa Registry of Deeds na po ang mga papel. Dito na po ako lumaban. Nagtiwala sila na ang nanay ko ang magprocess ng transfer of title (dahil na rin sa napagkasunduang kami ang gagastos sa lahat ng documents). Nai-salin na sa pangalan ko ang titulo at nanay ko po ang requestor at siya ang may hawak ng resibo para ma-claim ang title. Hindi po kami tinigilan ng book-keeper na ito at nagpupumilit na kunin sa amin ang resibo at authorization ng nanay ko para makuha ang titulo. Humingi naman po ako ng letter of guarantee kapalit ng authorization ng nanay ko pero hindi daw nya masisiguro kung papayag ang presidente nila. Sa ganoong sagot nagmatigas na po ako. Sa araw ng pag-release ng title, kinukulit po kami at ayaw kami tigilan at pilit na kinukuha ang resibo para madala na raw niya ang mga papel sa PAG-IBIG once na ma-release sa RD ang mga papel. Hindi naman po ako pumayag dahil alam ko po na wala silang balak magbalik ng sukli oras na mabayaran sila ng PAG-IBIG.
Nalaman po ng taong magre-release ng title na ganito ang problema namin at isinumbong sa attorney in charge. Ang gusto pa ng Attorney in charge ng RD, papupuntahin na lang daw nila ang PAG-IBIG liason Officer para mapick-up ang mga dokumento. Hindi naman po ako pumayag. Ang gusto ko po aggreement letter na lang para ma-release ang title. Nagdesisyon sila na i-hold ang title. Hangga't wala kaming letter of aggreement hindi mare-release ang titulo.
Hindi ko alam kung matutuwa ako noon o magagalit dahil natatakot po ako na baka magawan nila ng paraan para makuha uli nila ang titulo na nakapangalan na sa akin at dumiretso na sa PAG-IBIG. Kung nagawan nila noon ng paraan na agawin sa magulang ko ang titulo at mapasalin sa pangalan ng lending, maaring magawan nila uli ngayon. Sa ngayon, naghihintay na lang po kami ng letter of agreement na manggagaling sa lending. Kung magsusukli ba sila or babawasan pa ang 450K na halaga. Pero tumatakbo na po ang araw at December po ang deadline ng papel ko sa PAG-IBIG. Naisip ko na rin po na ipa-cancel na lang ang loan sa PAG-IBIG pero naisip ko naman po na baka kasuhan ako ng lending sakaling wala ako maibayad sa titulo.
Base po sa mahabang salaysay. Narito po ang mga katanungan ko:
1. Maari po ba kami mademanda ng lending sa ginawa naming ito?
2. Wala po akong tiwala sa mga taong ito ng registry of deeds. Ano po ang maari kong i-kaso sa kanila oras na ma-release ang title ng hindi namin nalalaman?
3. Ngayong nasa pangalan ko na ang titulo, maari po ba kunin muli ng lending ang titulo at ibalik sa pangalan nila o pagdadaanan nila uli ang proseso na ginawa namin? Maari ko po ba sila kasuhan sakaling mangyari nga ito?
4. Sakaling humantong sa demandahan ang pangyayaring ito, maari po ba ma-trace back ang history ng titulo at kung paano napunta sa pangalan ng lending ng hindi natanggal ang inheritance article ng hindi nalalaman ng mga magulang ko? Makakasuhan ko po ba sila dahil dito?
5. May laban po ba kami sa pangyayaring ito? Nawawalan na po ako ng pag-asa dahil ang tumulong sa aming abugado ay parang pinabayaan lang kami.
More power po sa forum at salamat ng marami sa oras ninyo, sana'y marami pa po kayo mapayuhan.
Red Comet