Dito po kasi village namin, merong easement lot na katabi ng aking nabiling bahay. Ang easement lot na ito ay papunta sa isang creek kaya naman hindi na ito puwedeng tayuan pa ng ano mang istraktura na maaaring makasira sa lupa at pagbuwisan pa ng buhay. Sa ngayon po kasi, napakaraming mga tagalabas ng village na dumadaan sa gilid ng aking bahay (binigyan kasi sila ng karapatan ng mga namumuno ng association na dumaan at magbutas sa pader sa kadahilanang may alitan ang mga nakatira doon at ang nag-mamay-ari ng kanilang dating dinadaanan) at napakaraming kalat sa paligid. Halos araw-araw akong naglilinis. Dalawang beses na ring inakyat ang aming bahay pero dahil maganda naman ang lock ng aming mga pinto ay hindi sila nakakapasok. Pero dahil minsan ay nakakalimutang isara ng biyenan ko ang bintana, may nakukuhang mga bagay sa loob. Kapag kasi nagpapalit ng mga namumuno sa association, may mga kung anu-anong planong pumapasok sa isip nila tungkol sa easement lot na minsan ay naiisip ko na paninikil nila ito sa akin. Marami namang bakanteng lote sa loob pero kung bakit doon nila naiisip na magtayo ng kung anuanong bagay.
Ang tanong ko po kasi, dahil sa ang village ay nai-turnover na sa homeowners association (ang pagkakaalam ko kapag more than 60% ay ibinibigay na ng developer ang karapatan sa homeowners association), na ang pagkakasabi ay ang mga namumuno na ang may karapatan sa lahat ng nasasakupan nito. Puwede ko pa rin po bang kausapin ang developer para mabili ang easement lot na katabi ng aking bahay? Tinawagan kasi ng asawa ko ang developer dati pero ang pagkakasabi ay nasa homeowners association na daw ang pamamahala nito (hindi ko alam kung gaano ito katotoo o hindi din alam ng nakausap ng asawa ko). Kinausap na din namin ang mga namumuno pero sinabi naman nila na hindi daw puwede ipagbili. Kung totoo man po ito, bakit? Developer po ba dapat ang kausapin ko o ang mga namumuno ng association? Kaya ko naman gustong bilhin para maayos ko na ito at mabakuran ng tama para din sa kapakanan ng pamilya ko. Hindi ko din naman puwede tayuan na ito dahil nga malapit sa creek (at wala din ako planong tayuan pa). At kahit po mabili ko ang lupa, meron pa ding madadaanan ang mga tagalabas maliban sa dinadaanan nila sa ngayon.
Sana po ay masagot nyo ako. Sinubukan ko na din kasing maghanap ng mga libro tungkol sa mga karapatan sa lupa pero ako ay bigo.
Salamat po.
Ting G