Good day! meron po akong idudulog na tanong sa inyo.Ang tatay ko po ay tenant sa isang lupain since 1960 subalit wala po silang written agreement ang sabi po ng tatay ko ay verbal agreement lang ang meron sila.Sa ngayon po ay tanging mga anak na lang at asawa ang natatanging makapagpapatunay na si tatay ang tenant nila subalit isa sa anak ng mayari ang nagagalit sa tatay ko nagpupumilit po sya na paalisin kami sa lupa nila.hanggang umabot po sa punto na pinagbabantaan po nya ang tatay ko,taong 2010 meron po kaming naiblotter na matinding pagbanbanta sa buhay ng aming ama,tinangka po nyang tagain si tatay subalit di po natamaan,nagbitaw pa po sya ng salita na di aabot ang 2011 at papatayin kita..nagpunta po si tatay sa bahay nila upang ipaalam sana sa kanyang ina ang kanyang ginawa subalit tinangka pa ulit po syang hatawin nito ng tubo kung kaya tumakbo ang tatay ko. Wala pong ginawang hakbang ang kanilang panig. taong 2012 pinagbantaan na naman po niya ang tatay ko,sa pagkakataong iyon ay pinablotter po ulit namin ang kanyang ginawa at pinagharap po kami ng kapitan ng Barangay,nagkaroon po kami ng kasunduan na wala po siyang gagawing masama sa aking ama. Pinablotter din po namin iyon sa pulis. January 18,2013 ng ngkatotoo na po ang aming kinatatakutan,humigit kumulang 4:45 ng hapon nang makarinig ako ng pagkakaingay ng aming alagang baboy inisip ko na nagpapakain lang ang aking ama ng baboy. Nakahiga ako sa loob ng kwarto nang marinig ko ang tatay ko ang sabi "Ano bang kasalanan ko sayo". tapos ilang saglit lang narinig ko ang ate ko na sumigaw ng "Wag po, wag po!" dali dali akong bumangon at tumakbo palabas ng bahay at iniwan ko ang aking mga anak sa loob ng kwarto. Pagdating ko sa pinanggagalingan ng tinig ay nakita ko si Pedro na anak ng mayari ng lupa na nakaamba na ang itak sa aking ama habang papalapit ito,sa pagkakataong iyon ay dumampot ako ng palapa ng niyog sa pagbabakasakaling makuha ko atensyon nya,subalit dumampot sya ng bato at ibinato sa akin kung kaya tumakbo ako palayo. Sa pagtakbo ko bigla ko narinig ang ate ko na sumigaw ng "Wag po,Wag po!" kung kaya bumalik ako at kitang kita ko ang pagtaga ni Pedro sa aking ama ng paulit ulit habang sinasalag naman ito ng aking ama ng barita na nadampot nya sa may kaimito kung kaya hindi tumama sa tatay ko ang lahat ng taga niya. Nang makita ko na tatagain ulit niya ang tatay ko at sa leeg ang puntirya ay dinambahan ko sya sa likod hanggang sa mapaupo sya at tuluyan kong makubabawan,tinapakan ko ang puluhan ng kanyang pantaga at kinagat ko sya sa likod at pinilit namin maagaw ang pantaga subalit ayaw nya ito bitawan kung kaya sinabihan ko ang tatay ko na umalis na at ako na ang bahala,lumayo na sila ng kapatid ko habang ako ay naiwang nakakubabaw sa kanyang likod. Sa pagkakataong iyon ay naalala ko ang dalawa kong anak kung kaya ubod ng lakas ko na isinubsob sya sabay takbo palayo. Dinala namin sa ospital ang tatay ko. Putol ang 2 niyang daliri sa kaliwang kamay,2 stitches sa braso,6 stitches sa ulo,mga sugat sa balikat sa braso at pasa sa tagiliran. Ako ay nagtamo rin ng hiwa sa kaliwang daliri subalit mababaw lang ito. Nahuli din po sya ng hapon na iyon. Nakita din po ng anak kong 5 5 taong gulang ang ginawa niyang pananaga.Sinampahan sya ng kasong FRUSTRATED MURDER,subalit SERIOUS PHYSICAL INJURY lang naifile kung kaya nakapagpiyansa ang suspect sa halagang sampung libong piso dahil dito naghabol ako at gumawa ang piskal ng another resolution para maging FRUSTRATED HOMECIDE ang kaso. Hanggang sa ngayon ay hinihintay namin ang development sa kaso,kung huhulihin ba sya ulit upang ipasok sa Provincial jail. Tinanong ko po sa piskal kong maaari rin ba ako magsampa ng kaso bilang ina at babae na sasakop sana sa R.A 7610 subalit wala daw po ako matibay na basehan. Humihingi po ako ng tulong sa inyo kung ano ang mabuting hakbang na aking gagawin upang mapabilis ang resulta ng kaso. Mahirap lang po kami at maimpluwensya ang pamilya nila. Natatakot po ako sa seguridad namin kung kaya pansamantala po naming iniwan ang aming bahay sa lupa na iyon. May mga kaso pa po bang pwedeng isampa sa kanila? Ang piskal po dito sa amin ay palaging wala,kung kaya lubhang mabagal ang usad ng kaso. Di ko alam kung ano pang mga hakbang ang aking gagawin. Hindi po ba pwedeng maging Frustrated Murder ang kaso? Anumang tulong ay ipinagpapasalamat ko na po sa inyo.