Ako ay magulang ng biktima na 20 taong gulang lamang. Siya ay isang mag-aaral sa kolehiyo na may kurso na MARINE ENGINEERING. Isa sa mga requirements nila ay OJT. Nakapag umpisa sya ng OJT sa isang TANKER / BARGE na nagkakarga ng petrolyo. Sa kasamaang palad, ikalawang linggo pa lamang ng kanyang OJT, na noon ay kasalukuyang nakadaong pa lamang at walang karga ay sumabog ang tanker na sinasakyan nya na nagdulot ng pagkasunog ng buo nya katawan. Agad naman siyang dinala ng agency ng barko sa pagamutan, ngunit namatay din matapos ang tatlong araw. Damang dama ko ang sakit na nararamdaman ng aking anak dulot ng mga lapnos sa kanyang buong katawan.
Sinagot naman ng agency ang mga bayarin sa ospital at pagpapalibing nito. Kinuha din nila ang lahat ng Original Receipt sa Ospital dahil gagamitin daw nila ito sa pagkuha ng insurance ng barko.
Ang sinasabi nilang dahilan ay nagkaroon ng pagsabog sa ibabang bahagi ng barko at nagkataon naman nasa itaas nito ang aking anak kaya siya ang napuruhan. Sinabi nila sa akin nung una na ito ay “human error” lamang ngunit sa aking pananaliksik ay hindi ito ang unang pagkakataon na sumabog ang tanker na ito. Nagpalit lamang ito ng pangalan upang mapagtakpan ang nangyaring pagsabog noong dati pa.
Ngayon ay gusto nilang kaming papirmahin sa isang QUIT CLAIM / WAIVER / RELEASE kapalit ng halagang isang daang libong piso (100,000 Php). Nakiusap po ako sa kompanya na kahit sagutin na lamang nila ang pag-aaral ng natitira ko pang isang anak lalo na at nawala ang lahat ng pinaghirapan namin sa pagpapaaral sa yumaong anak ko na graduating sana ngayong Mar, 2017. Gayun pa man ipinagpipilitan nila na 100,000Php lamang daw po ang maari nilang ibigay at sinabi pa sa amin na kung tutuusin ay dapat hospital bills lamang ang kanilang pananagutan. Dati ay personal pang nakikipagharap sa amin ang may-ari ngunit ngayo’y dalawang abogado na lamang nila ang pinapaharap.
Sana po ay mabigyan nyo po akong tamang gabay kung paano ko po sisimulan o kung ano po ang nararapat kong gawin.
Maraming salamat po!
Pasensya na po kung masyadong mahaba