Ano po ba ang maaring ikaso sa kapatid kong lalaki na palaging nagwawala sa bahay namin? May isa pong insidente na nangyari kanina lang hapon kung saan hinihingi nya yung password ng computer. Nag-text sya sa akin pero dahil tulog pa ako sa aking tinitirahang boarding house, hindi ko kaagad nasagot. Nung pagkagising ko ng bandang gabi na (dahil sa call center po ang trabaho ko), napakadami ko ng text messages at minumura na nya ako. Bakit ayaw ko daw ibigay yung password at babasagin nya na daw ung computer pag hindi ko pa talaga binigay. Binigay ko na yung password dali-dali dahil may mga text din po galing sa nanay ko na nagmamakaawa sa akin na ibigay ko na daw ung password at halatang halos mamamatay na siguro sya sa takot. Ako ang bumili ng computer na yun at kung tutuusin wala syang karapatang gumamit kung wala ko naman pahintulot.
Bukod po dyan, napakarami pang ibang pangyayari dati kung saan nagwawala sya at binabalibag lahat ng gamit sa bahay kapag hindi nabibigay ang mga gusto nya. Sobra-sobra na ang paghahari-harian nya at nakakaapekto na sa kalusugan at moral ng aking magulang lalo na po sa aking nanay. Nasa 28-anyos na po ang aking kapatid at walang trabaho at kahit minsan wala naman syang naipundar na gamit sa bahay namin. Dun po sya nakatira kasama ang aking magulang at isa pang kapatid na lalaki na bunso at marami na ding mga pangyayari kung saan binubugbog nya yung bunso naming kapatid kapag hindi nasusunod ang gusto nya. Lahat sa kanya ay libre sa bahay - pagkain, kuryente, paglalaba sa mga damit nya. Ang problema po, wala na nga syang silbi pero katakot-takot pa na perhuwisyo ang ginagawa nya at napakalaki po ng negatibong epekto sa aking ina. Matanda na po sya at sa tuwing nagwawala ang kapatid ko, sobrang kabado po lahat kame dahil talagang walang makaawat sa kanya.
Hindi ko alam kung puwede ko siyang ipa-aresto sa pulis at ipakulong. Maari bang ikonsidera na Domestic Violence ang mga ginagawa nya? Sana po ay matulungan nyo ako kung ano ang maari kong gawin upang matigil na ang lahat ng ito. Eto lamang ang tanging hiling ng nanay ko at sana ay maibigay ko sa kanya ngayong Pasko - ang mamuhay ng tahimik at hindi sa takot.
Marami pong salamat.